Linggo, Agosto 25, 2013

Selfish Ako !

Alam mo, napaka selfish ko. Apat kami sa pamilya, ang mommy, daddy, kapatid ko at ako. Sa aming apat gusto ko ako lang ang bibigyan nyo. Gusto ko ako lang ! Kasi nga selfish ako. Hindi ninyo sila pwedeng bigyan...gusto ko ako lang. BAKIT? Kasi nga selfish ako. Gets mo? Ako lang ! Yun ang gusto ko.

Katulad nga ng sinabi ko, apat kami sa pamilya. Una ay ang mommy ko, itago nalang natin siya sa pangalang Jeanne. Alam mo kung ano s'ya? OFW, yung mga taong nag papa-alila sa mga foreigner, yung tagalinis ng toilet bowl ng mga intsik, yung inuutusan lagi. Inuutusang mamalantsa, magsaing, maglinis, mamalengke, magtimpla ng kape, maghugas ng pinggan at kung anu-ano pang gawaing bahay na maiisip mo. Oo, siya lahat ang gumagawa nun. Mahirap ba? Kaya yan lahat ng Mommy ko.Pero hindi mo parin siya pwedeng bigyan ! Kasi nga selfish ako.

Pangalawa ay ang Daddy ko. Ano naman ang ginagawa nya? Siya lang naman yung gumagawa ng ga sasakyan na nasira. May boss din siya. Boss na nag-uutos sa kanya. Nag-uutos na magwelding nito, kunin yun, kunin yan, gawin ito, gawin yan, umorder nito, umorder n'yan. at kung anu-ano pang utos na kailangan n'yang sundin para siya sahuran nang hindi hihigit at lalong hindi aabot sa minimum na sinusweldo ng isang trabahador ng gobyerno. Alam mo kung ano pa ang masakit? Walang double pay, holiday pay o kung anumang mga benepisyo na binibigay sa isang regular na manggagawa. Isa lang ang malinaw, pag pumasok ka, suswelduhan ka. Pag nagka-sakit ka, sorry ka...wala kang kita. At dahil gano'n ang sitwasyon niya, BAWAL n'yo siyang bigyan ! Ako lang. Ako lang dapat !

Huli naman sa listahan ko ay ang aking kapatid. Lalaki. Bata pa kung mag-isip pero punung-puno ng pangarap. Pangarap na kulang nalang ay lumaki ng literal ang pag ngiti mo at umabot ito sa tenga mo dahil sa sobrang sarap pakinggan. Pangarap para sa sarili niya ta sa buong pamilya. Kaya niyang hindi kumain sa iskwelahan makapasok lang. Hindi siya tulad ng iba na hindi lang makakain ng agahan at makahigop ng mainit na kape na may creamer ay hindi na papasok. Siya yung taong natututo magsakripisyo at tanggapin na minsan ay nanghihina siya, nagkakamali at nakakasakit. Pero kaya niyang humingi ng tawad. Okay naman siya noh? Ganunpaman, hindi mo parin siya pwedeng bigyan ! Ako lang. Ako lang !


Ako lang ang pwede mong bigyan ng pasakit ! Ako lang ang pwede mong bigyan ng galit. Ako lang. Masyado na silang maraming pinapasan...at sobra na silang mahihirapan kapag binigyan mo pa sila ng ikasasakit ng damdamin nila. Kaya ako lang ! Selfish ako ! Ako lang ang dapat. Sana naiintindihan mo, at malinaw sa iyo ang lahat, pag sinabi kong AKO lang, AKO LANG !